Nagpalabas na ng pahayag si dating Dagupan City Mayor Belen Fernandez, matapos na masunog ang bahagi ng pagmamay-ari nitong mall sa Brgy. Lucao.

Inilabas na lamang ni Fernandez sa pamamagitan ng kaniyang Facebook account ang kaniyang pahayag matapos ang trahedya.

Sa naturang post, nakalagay ang pasasalamat nito sa lahat ng mga bumbero na rumespondi at umapula sa sunog na mula sa iba’t-ibang bayan at pribadong organisasyon partikular na mula sa PANDA, CDRRMC, DCWD, DECORP, TOYOTA, Star Plaza, Dagupan, Barangay Malued, BFP station sa mga kalapit na bayan at siyudad na kinabibilangan ng Mangaldan, Binmaley, Lingayen, Bugallon, Calasiao, Sta. Barbara, San Carlos, Urdaneta, San Fabian, Mapandan at San Jacinto.

--Ads--


Pinasalamatan din nito sina dating Gov./Cong. Amado T. Espino, Jr., at anak nitong si Gov. Pogi Espino III, PNP Pangasinan Provincial Director Col. Red Maranan, Provincial Fire Marshall Fire Supt. Noel Gagalac, PNP Dagupan at Kapitan Marcelino Fernandez sa kanilang tulong.

Binigyang pagkilala din ng dating Alkalde ang mga empleyado nito na inilarawang mga ‘loyal employees’ na nananatiling nakaantabay.

Sa kabila aniya ng nangyaring trahedya ay nananatili ang pananampalataya nito sa Diyos at labis ang pasasalamat na walang sinuman ang nasaktan dahil sa insidente.

Sa ngayon aniya ay hihintayin nalamang nila ang resulta ng imbestigasyon na ginagawa ngayon ng Bureau of Fire and Protection (BFP) upang mabigyang linaw ang insidente.

Samantala, nagpasalamat naman si Fernandez sa mga nagsisilbing mga frontliners laban sa sakit na COVID-19 upang maging ligtas ang lahat.

Kasunod nito ay nanawagan itong sumunod nalamang ang lahat sa panuntunan ng gobyerno upang itoy malabanan .