NBI Dagupan Director Rizaldy Jaymalin

DAGUPAN CITY– Nahaharap ngayon sa kaukulang kaso ang isang pekeng dentista matapos ang isinagawang entrapment operation ng National Burea of Investigation o NBI Dagupan .

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay NBI Dagupan Director Rizaldy Jaymalin, nagsagawa sila ng surveillance sa isang dental clinic sa Mangaldan Public Market matapos silang makatanggap ng reklamo sa Philippine Dental Association Pangasinan Chapter dahil sa kawalan ng lisensiya ng nag ooperate nito.

Nagpanggap ang isa nilang ahente bilang pasyente. Nang magkaabutan na ng pera ay doon na hinuli ang pekeng dentista na kinilalang si Wilma Almasan.

--Ads--

Agad itong sinampahan ng kasong paglabag sa Philippine Dental Act of 2007 ngunit nakapagbayad din ng 30,000 na piyansa para sa pansamantala nitong kalayaan.

Hinikayat naman ni Jaymalin ang iba pang mga naging pasyente nito na magtungo lamang sa kanilang tanggapan kung nais nila itong sampahan ng kaso.

Pinayuhan nito ang publiko na hanapan muna ng kaukulang lisensiya ang mga tutunguhin nilang dentista upang matiyak na ito ay lehitimo.