DAGUPAN CITY– Agad na binawian ng buhay ang isang ginang matapos itong pagtatagain ng kaniyang mister sa Brgy. San Gabriel, Bayambang, Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pangasinan Provincial Director P/Col. Redrico Maranan, kinilala nito ang biktima na si Marivic Panaman, 42 anyos habang ang suspek ay ang asawa nitong kinilalang si Rosendo Panaman, 47 anyos.

Aniya, bago nangyari ang insidente ay tinawag umano ni Panaman ang kaniyang misis, sa loob ng kanilang kuwarto.

--Ads--
Pangasinan Provincial Director P/Col. Redrico Maranan

Subalit kinalaunan ay nakarinig na ang anak ng mga ito ng sigaw ng kaniyang ina dahilan upang ito ay kaniyang suriin at doon na tumambad ang duguang katawan ng ina habang tangan ng ama ang isang itak.

Kuwento pa ni Maranan, na maging ang anak ng suspek ay tinangka rin nitong tagain subalit masuwerte itong nakaligtas at nagawang makaalis ng tahanan saka humiling ng tulong sa isang barangay kagawad na agad naman tumawag sa PNP.

Subalit, nang rumespondi na aniya ang PNP, hindi na naisalba pa ang buhay ng ginang na nagtamo ng mga taga sa kaniyang leeg, mukha at kamay.

Pangasinan Provincial Director P/Col. Redrico Maranan

Samantala, kinalaunan ay napatay din ng mga otoridad ang suspek.

Napag-alaman na sinubukang paki-usapan ng mga rumesponding pulis ang suspek para sa mapayapang pagsuko ngunit sinugod umano nito ang mga awtoridad, dahilan upang mapilitang gamitin ng mga pulis ang kanilang mga armas bilang defensive measure.