DAGUPAN CITY–Nahaharap ngayon sa kaukulang kaso ang punong barangay na aksidenteng nakalabit ang baril sa loob ng isang mall dito sa lungsod ng Dagupan na ikinasugat ng mag-asawa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pol.Lt Enrique Columbino Chief Investigator ng Dagupan PNP , kasong illegal discharge of firearms ang isasampa kay Brgy Banaoang Calasiao Punong Brgy Melecio Sapiera, 45 anyos matapos nitong aksidenteng makalabit ang kaniyang baril habang kumukuha ito ng pambayad sa biniling pagkain sa loob ng mall kung saan natamaan ang mag-asawang sina Janel at Joel Requima sa kanilang paa.

Inihayag naman ni Columbino na kumpleto sa dokumento ang baril ni Sapiera at mayroon din itong naipakitang licensed to own firearms at permit to carry firearms outside residence .

--Ads--

Sa ngayon ay inaantay din nila ang mag-asawang aksidenteng tinamaan ng bala nito na nagtamo ng sugat sa paa dahil hindi pa nagtutungo ang mga ito sa himpilan ng kapulisan matapos ang insedente.

Nang makausap rin umano nila ang opisyal ay iginiit umano nito na aksidente lamang ang pangyayari at sinabing nagdala ng baril para sa usaping pangseguridad.

Matatandaan na kahapon Linggo, dakong alas 11:45 ng umaga habang nagbabayad sa kaniyang kinain ang naturang punong barangay ay aksidente nitong nakalabit ang calibre 40 pistol nitong baril at natamaan ang mag-asawang biktima.