Naihatid na sa kaniyang huling hantungan ang mga labi ng bogyguard ni dating Pangasinan Governor Amado Espino Jr na nasawi matapos silang tambangan sa San Carlos City noong September 11.


Hindi lamang mga kaanak, kaibigan at kakilala ni Staff Sergeant Richard Esguerra ang dumalo sa libing nito ngunit kasama rin dito ang ilang mga malalaki at kilalang personalidad kabilang na ang mga pulitiko dito sa lalawigan ng Pangasinan.


Bago ihatid sa kaniyang huling hantungan ay nagkaroon muna ng misa sa Our Lady of Purification Parish Church kung saan nag-alay ng dasal para sakaniya sa huling sandali ang mga mahal nito sa buhay bago dalhin sa Binmaley Memorial Park sa Brgy. Caloocan Sur.

--Ads--

Suot ng mga mahal nito sa buhay ang puting damit kung saan nakasaad dito ang paghiling nila ng hustisya sa pagkamatay ni Esguerra


Napag-alaman na si Esguerra ay pangalawa sa anim na magkakapatid at pinangarap na noon pa ang maging isang pulis.


Nakaasign din ito sa Infanta PNP bukod pa sa pagiging aid ni dating Governor Espino na mahigit isang taon na ring nanungkulan sakaniya.


Matatandaan na sakay si Espino ng Toyota Land Cruiser SUV kasama ang kanyang driver na si Agapito Cuison at Jayson Malsi habang ang kanyang back-up security ay sakay naman ng black Toyota Innova na minamaneho ni Anthony Columbino at kasama sina Police Staff Sgt Richard Esguerra at Kervin Marfori at patungo sanang Brgy. Ilang, nang sila ay pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek na armado ng mga mahahabang armas.


Agad na nasawi ang bodyguard na si Esguerra habang si Cuison, ang driver na nakapagtakbo sa dating Kongresista sa pagamutan ay binawian din ng buhay.