DAGUPAN CITY–Inaantay pa ang kumpirmasyon kung African Swine Fever o ASF ang ikinamatay ng mga nasawing baboy na naitala sa 3 barangay sa lalawigan ng Pampanga.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Samahang Industriya at Agrikultura (SINAG) President Engr. Rosendo So bagamat hindi pa confirm na ASF ang sanhi ng pagkamatay ng mga naturang baboy ay agad silang nagpatupad ng ground zero o ang “1-7-10” protocol.

Sa ilalim ng protocol, isinasakatuparan ang quarantine checkpoint sa pagbibiyahe ng buhay na baboy, karne at iba pang pork product sa loob ng 1-kilometer radius mula sa apektadong farm.

--Ads--

Sa loob naman ng 7-kilometer radius, isinasagawa naman ang surveillance at paglimita sa galaw ng mga hayop.

Inoobliga naman ang mga farm owner sa 10-kilometer radius ay mag-report sa DA tungkol sa anumang sakit sa kanilang inaa­lagaang hayop.

Hindi pa bumabalik aniya ang resulta ng isinagawang iksaminasyon pero tiniyak nila na nakontrol nila ang sitwasyon doon.

Matatandaan na inamin ni Agriculture Secretary William Dar na lumawak pa ang mga lugar na isinailalim sa quarantine dahil sa posibleng presensiya ng African Swine Fever.

Binanggit ng kalihim ang Central Luzon region pero hindi niya isiniwalat ang eksaktong lugar para magawa nila ang ground zero o ang pagpapatupad ng “1-7-10” protocol.