Posibleng ikonsedera bilang person of interest ang driver/bodyguard ni dating Pangasinan Governor Amado Espino Jr na nawala sa kasagsagan ng pag-ambush sa kanilang convoy sa Brgy Magtaking San Carlos City.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lt. Col. Mary Crystal Peralta, Public Information Officer ng PNP Region I posible nilang ikonsederang person of interest si Richard Columbino base na rin sa development ng isinasagawa nilang imbestigasyon sa kaso.

Sa ngayon kasi aniya ay ang pagkashock nito sa insedente at nararanasang trauma ang nakukuha lamang nilang pahayag sakaniya.

--Ads--

Hindi pa rin aniya malinaw kung paano ito nakaalis sa kasagsagan ng ambush maging ang pagtungo nito ng Nueva Viscaya matapos ang insedente.

Isinailalim na rin umano nila ito sa paraffin at lie detector test kung saan kaniya naman itong naipasa.

Sa ngayon aniya ay nananatili pa rin ito sa kustudiya ng San Carlo PNP matapos niyang hilingin ang voluntary costudy dahil sa takot umanong kaniyang nararamdaman.

Kasalukuyan pa rin itong sumasailalim sa debriefing hanggang sa ngayon lalo’t mahalaga aniya ang pahayag na magmumula rito dahil nakita niya ang pangyayari.

Matatandaan na sakay si Espino ng Toyota Land Cruiser kasama ang kanyang driver na si Agapito Cuison at Jayson Malsi habang ang kanyang back-up security ay sakay naman ng black Toyota Innova na minamaneho ni Anthony Columbino at kasama sina Police Staff Sgt Richard Esguerra at Kervin Marfori at patungo sanang Brgy. Ilang, nang sila ay pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek na armado ng mga mahahabang armas.

Agad na nasawi ang bodyguard na si Esguerra habang si Cuison, ang driver na nakapagtakbo sa dating Kongresista sa pagamutan ay binawian din ng buhay.

Si Columbino naman ay nawala sa kasagsagan ng ambush na kinalaunan ay natunton matapos mapag-alamang patungo na ng Solano Nueva Vizcaya matapos umanong matakot sa insedente. ‘

Nang malaman ang kinaroroonan nito ay hinikayat umano itong bumalik at sinundo ito ng kapulisan sa Nueva Vizcaya.