DAGUPAN CITY–Patay matapos pagbabarilin ang isang magsasaka sa lungsod ng Urdaneta Pangasinan.

Naganap ang insidente sa kahabaan ng Manila North Road ng Zone 2, Brgy. Tulong West kung saan ang biktima ay kinilala na si Pedro Manantan alyas ‘Pedring’, 59 anyos at residente mula sa Zone 7, Brgy. Tulong West habang ang suspek ay natukoy bilang sina Lorenzo Calonge, 44 anyos, isang magsasaka at ang kanyang anak na si Marlon Calonge, 24 anyos at 3 hindi pa nakikilalang mga indibidwal.

Sa inisyal na imbestigasyon ay lumalabas na sinundo ng mag-ama ang biktima sakanilang tahanan lulan ng tricycle para sana sa transaksyon na may kinalaman sa pagbili ng baka.

--Ads--

Subalit nang marating ang lugar, bigla umanong pinagbabaril ang biktima ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek na noon ay naghihintay na sa lugar.

Matapos nito ay agad silang tumakas.

Nagtamo ng tama ng bala sa katawan ang biktima na naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Naaresto ang mag-ama sa isinagawang hot pursuit operation habang nagpapatuloy naman ang pagtugis sa tatlong iba pa.
Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon dito ng mga pulis upang matukoy ang motibo ng pamamaril.