DAGUPAN CITY– Ipinag-utos ni PNP Region I Director BGen. Joel S. Orduña, ang pagsasailalim sa Regional Personnel and Holding Administrative Unit sa Regional Headquarters sa dalawang pulis na sangkot sa pananambang kina Bala­oan, La Union Mayor Aleli Concepcion at Vice-Mayor Alfred Concepcion noong Nobyembre 14, 2018.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Lt/Col Mary Krystal Peralta, tagapagsalita ng PNP Region 1 agad itong ipinag- utos ni Orduña para na rin makita at makausap ang mga pulis na sina
SPO1 Dario Cahigas, nakatalaga sa Intelligence Division ng La Union Provincial Police Office (LUPPO), at SPO2 Arnold Calzado ng PNP-Regional Office 1, Camp General Florendo, San Fernando City, La ­Union.

Magsasagawa na rin ng Amor Propio Investigation para sa Administrative case ang Regional Internal Affairs Service kaugnay sa pagkakasangkot ng dalawang pulis sa naturang kaso.

--Ads--

Kung ano umano ang irerekomenda ng IAS ay dito ibabase ang kaparusahan na maaring ipataw sa mga sangkot na police.

Bagamat sa ngayon aniya ay wala pa silang natatanggap na anumang communication letter hinggil sa pagsasampa ng kaso ng NBI laban sa mga nabanggit na pulis.

Police Lt/Col Mary Krystal Peralta

Matatandaan na Nobyembre 14 noong 2018 nang pagbabarilin ng mga suspek ang mag-ama at dead on arrival sa Balaoan District Hospital sina Vice-Mayor Alfred Concepcion at isa niyang tauhan na si Michael Ulep.

Sugatan din ang iba pa nilang mga tauhan na sina Roderick Urpiano, Ronniel Valdez, Joey Lopez, Dominador Bautista at Roberto Octavo.

Ligtas naman ang kanyang anak na si Mayor Aleli Concepcion na dinala sa Lorma Medical Center sa San Fernando, La Union.