Patay ang tatlong katao habang sugatan naman ang 5 iba pa matapos silang masangkot sa aksidente habang lulan ng kani-kanilang sasakyan sa bayan ng Aguilar Pangasinan, partikular na sa kahabaan ng Brgy. Bocacliw.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Eugene Bangaoisan, 40 anyos, driver at residente sa nabanggit na bayan habang kinilala ang mga nasawing pahinante nito na sina Willy Sagsagat, residente din sa naturang bayan at isang Jose Dadibas, 29 anyos na mula naman sa bayan ng Mangatarem.

Habang ang mga lulan ng isa pang trak na sangkot sa aksidente ay kinilala na sina Dante Ugriano, 38 anyos, isang driver, Glenn Sison, 47 anyos, Joey Martin, 25 anyos at isang Michael San Antonio, na mga residente naman sa bayan ng Mangatarem.

--Ads--

Lumalabas sa paunang imbestigasyon na binabagtas ng mga sangkot na sasakyan mula sa magkabilang direksyon ang kahabaan ng kalsada nang bigla umanong sumabog ang kaliwang gulong ng trak na noon ay sinasakyan ng mga nasawi na naging dahilan upang maagaw nito ang linya nang paparating din na trak.

Dito na naganap ang salpukan na naging dahilan upang masawi ang tatlong katao.

Samantala dalawang driver naman ng motorsiklo na noon ay binabagtas din ang kalsada ang bumangga sa concrete barrier makaraan silang umiwas sa kolisyon.

Bilang resulta, agad na naitakbo sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima na sa ngayon ay nagpapagaling na habang pinag-aaralan naman ng Aguilar PNP ang insidente upang malaman kung sino ang may kapabayaan rito.