Patuloy na iniimbestigayan ang pagbaril patay ng isang pulis sa kapwa niya pulis sa bayan ng Bugallon Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si Police Chief Master Sergeant Reynaldo Estareja, may asawa, at kasalukuyang naka-assign sa Bugallon PS at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Cayaoan Sual, Pangasinan.
Kinilala naman ang suspek na si Patrolman Franklym Aquino, may asawa at kasapi rin ng Bugallon PS at residente ng Brgy. Laguit Centro Bugallon.
Sa initial na imbestigasyon, dumalo ang suspek na si Aquino kasama ang kanyang asawa at ang biktima na si Estareja sa 60th birthday celebration ng isang Jesebelle Malicdem sa Brgy Laguit Centro, Bugallon.
Subalit, nang makainom na ang mga ito, niyaya ni Estareja ang asawa ng suspect para sila ay magsayaw pero tinanggihan siya nito. Sa pangyayari ay agad na umalis ang biktima, subalit nagpaputok ng baril ang suspek .
Nang marinig ng biktima ang putok ng baril ay bumalik ito sa lugar at nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kung saan tinawag ng suspek ang biktima na bastos at saka ilang beses na pinagbabaril.
Nagtamo ang biktima ng ilang tama ng bala sa iba’t -ibang bahagi ng kanyang katawan at agad na isinugod sa Lingayen District Hospital pero ideneklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing pangyayari.