DAGUPAN CITY–Inamin ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., na posibleng kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas ang pagkakaroon ng Pinoy na suicide bomber na umatake sa Indanan, Sulu.

Ito ang nabatid mula sa opisyal sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay ng twin bombing incident sa Indanan, Sulu nuong Biyernes na ikinasawi ng walong indibidwal kabilang ang tatlong sundalo habang nasa 20 ang sugatan.

Paliwanag ni Esperon, sa ginagawa nilang pagtrace sa totoong pagkakakilanlan ng suicide bomber ay posible aniyang isa itong Pilipino. Kung sakali aniya ay ito ang kauna-unahan dahil ang naunang pag-atake na ginawa ng suicide bomber sa Basilan noon ay kagagawan ng mga dayuhan.

--Ads--

Una ng inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kumbinsido siya na “suicide bombing” ang insidente na kagagawan ng dalawang hindi pa nakikilalang terrorista.

Gayunman, hinihintay pa ang resulta ng DNA test sa labi ng mga “suicide bombers” para matiyak ang nasyonalidad ng mga ito sa kabila ng pag-ako ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa pambobomba.