Nagbabala ang Department of Health sa publiko laban sa posibleng mangyari sa mga tatangkilik o kakapit sa mga organ traffickers.

Iginiit ni Dr. Francisco Sarmiento III, Program Manager ng Philippine Organ Donation and Training Program ng Department of Health – Philippine Network for Organ Sharing (DOH-PhilNos), sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan sa programang Dr. Bombo na napapakinggan tuwing linggo ng hapon, hindi isang commodity ang mga organ ng katawan na maaaring presyuhan.

Giit pa ni Dr. Sarmiento, hindi makakatulong ang pagpatol sa alok ng mga orgran traffickers na malaking halaga ng pera upang maka-ahon sa buhay ang mga mahihirap na kadalasang kanilang binibiktima.


Sa katunayan ayon pa sa opisyal, mas malulugmok pa sa hirap ang mga ito dahil madalas ay iniiwanan nalamang sila ng ilang halaga ng pera taliwas sa ipinangakong pera at iiwanan ng walang sapat na tulong medikal upang mamintina ang kanilang kalusugan matapos na ibenta ang kanilang mga organ lalo na ang kidney.

--Ads--

Dagdag pa ni Dr. Sarmiento, masakit mang isipin subalit ang kamangmangan aniya sa usaping ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nagawang mapagsamantalahan noon ang ilang kababayan natin.