Mahigpit ang isinasagawang monitoring ng tanggapan ng Philhealth sa mga private at government hospitals sa buong Rehiyon Uno kaugnay sa implementasyon ng ‘No Balance Billing’.
Ayon kay Joseph Manuel, OIC Head Public Affairs Unit ng Philhealth Region1, mayroong isang malaking ospital dati dito sa probinsiya ng Pangasinan na mababa ang implementasyon ng No Balance Billing Policy pero dahil sa agarang pagrereport ng mga miyembro nito sa kanilang tanggapan ay natawag ang kanilang atensiyon at nagkaroon na sila ng sistematikong paraan para maiwasan na ang mga pasiyente ay kinakailangan pang bumili ng gamot sa labas.
Batay na rin aniya sa kanilang survey report, mayroong mataas na pagsunod sa naturang polisiya ang mga Provincial Hospital sa buong rehiyon kabilang ang Pangasinan.
Sa katunayan ayon pa kay Manuel, mayroon silang binabantayang monthly data ng mga ospital kung saan tinatawagan nila ang mga ito kapag mababa ang implementasyon ng nabanggit na polisiya.
Mababatid na ang No Balance Billing ay polisiya ng gobyerno maging ng Department of Health o DOH kung saan walang babayaran kahit singko ang mga indibidwal na miyembro ng kasambahay, indigent, sponsored, senior citizen, life time members at mga legal dependents kung naconfine ang mga ito sa isang wardtech accomodation sa isang government hospital. with report from Bombo Lyme Perez