DAGUPAN CITY– Balik kulungan muli ang dalawang ginang mula sa siyudad ng Dagupan matapos na maaktuhan mismo ng mga otoridad ang paggamit ng mga ito ng iligal na droga.

Nakilala ang mga suspek na sila Jovel Verin 37 anyos at Michelle Orlanda 30 anyos kapwa residente dito sa lungsod ng Dagupan.

Una umanong nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad patungkol sa paggamit ng illegal na droga ng dalawa sa mismong bahay ng isa sa mga suspek.

--Ads--

Agad namang tinungo ng pulisya ang lugar at dito ay positibo ang impormasyong naiparating sa kanila.

Bago naman tuluyang arestuhin, kinuhanan pa umano ng mga otoridad ang aktwal na paghithit ng dalawang ginang para magsilbing ebidensya.

Nakuha sa kostudiya ng mga suspek ang ilang pakete ng shabu at iba’t ibang drug paraphernalia.

Napag-alaman na dati ng nasangkot sa iligal na gawain ang dalawa at magtatatlong buwan pa lamang simula ng makalaya ang mga ito sa kulungan.

Samantala, kasalukuyan ng nasa pangangalaga ng Dagupan City Police station ang mga nabanggit na ginang at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.