Hindi na umano ikinagulat ng isang kilalang abogado dito sa lalawigan ng Pangasinan ang kontrobersyal na diumano’y pagbili ng mga boto sa House of Representatives, habang patuloy na umiinit ang laban para sa pagiging Speaker ng Kamara.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty Joseph Emmanuel Cera, constitutional lawyer dito sa probinsya sinabi nito na may kanya kanyang diskarte ang mga tumatakbong kandidato sa pagka-Speaker upang makabili ng boto mula sa mga mambabatas.

Kabilang na umano dito ang pag alok na mabibigyan sila ng budget sa mga lugar na kanilang pinamumumunuan, oras na kanilang iluklok ito sa pwesto.

--Ads--

Sa ganito aniyang paraan, bagama’t simple lamang, ay malinaw na na binibili na ng mga kongresista ang boto ng mga mambabatas.

Matatandaan na inilantad ni Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez na P500,000 Hanggang P1 milyon ang alok sa bawat congressman kapalit ng boto ng mga ito para sa nag-aasam na maging House Speaker.

Dagdag pa niya, kapag natanggap na ng kongresista ang pera mula sa speaker aspirant, kailangang pumirma ang una sa isang “manifesto of support”.