Hindi bababa sa siyam na tao ang nasawi sa pinakabagong serye ng matinding panahon na tumama sa U.S., kabilang ang walong tao sa Kentucky na namatay nang mag-umapaw ang mga batis mula sa malakas na ulan .
Sinabi ni Kentucky Gov. Andy Beshear na daan-daang tao na na-stranded dahil sa pagbaha ang kinailangang iligtas.
Inaprubahan ni US president Donald Trump ang kahilingan ng estado para sa isang deklarasyon ng kalamidad, na nagpapahintulot sa Federal Emergency Management Agency na manguna sa mga pag-papaabot ng tulong sa buong estado.
Sinabi ni Beshear na karamihan sa mga nasawi, kabilang ang isang ina at isang 7-taong gulang na bata, ay dulot ng mga sasakyang nabaon sa mataas na tubig.
Samantala, mahigit sa 2,000 flight sa loob ng bansa, papasok at palabas ng US ang naantala, at mahigit 1,000 ang nakansela nitong Linggo.
Ayon kay Orelon Sidney, isang meteorologist, ang matinding lamig ay maaaring magdulot ng kanselasyon ng biyahe sa ilang lugar.
Inaasahan ang matinding lamig sa Northern Plains na may mga temperatura na babagsak sa minus 30°F malapit sa hangganan ng Canada.
Inaasahan din ang delikadong lamig mula sa hangin sa Dakotas at Minnesota na maaaring umabot ng minus 40°F (minus 40°C) hanggang minus 50°F (minus 45.6°C).
Inaasahan ang malalakas na pag-ulan ng niyebe sa ilang bahagi ng New England at hilagang New York.
Sa ilang lugar, ang lakas ng hangin ay maaaring umabot ng 60 mph (mga 97 kph) at magdulot ng “mapanganib na whiteout conditions,” ayon sa National Weather Service.