Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Arlene James Pagaduan, Presidente ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) Central Luzon, hinggil sa lumalalang krisis sa literasiya sa bansa kasabay ng paghahanda para sa muling pagbubukas ng mga klase.

Sa isang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, ibinunyag ni Pagaduan na ayon sa pilot literacy assessment ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), mahigit 87% ng mga Grade 11 learners ang hindi maituturing na “independent readers”. Sa madaling salita, halos 13% lamang ng mga mag-aaral sa antas na ito ang may sapat na kakayahang magbasa nang mag-isa at may pag-unawa.

Ayon kay Pagaduan, ang krisis sa literasiya ay maituturing na isang “learning crisis”. Binigyang-diin niya na ang pagbabasa ay isang gateway skill; kung mahina ang pundasyon ng isang bata rito, tiyak na mahihirapan din siya sa iba pang mga asignatura gaya ng Science, Mathematics, at Araling Panlipunan.

--Ads--

“Hindi po ito simpleng problema ng guro lamang,” ani Pagaduan. Idinagdag niya na ang problemang ito ay resulta ng maraming magkakaugnay na salik; Kakulangan sa learning resources at malaking bilang ng estudyante sa bawat klase; Learning gaps na naipon mula sa panahon ng pandemya dahil sa hindi naging matagumpay na modular learning; Digital distractions gaya ng online games at social media na sumisira sa study habits ng mga kabataan; at kahirapan at kakulangan ng suporta sa loob ng tahanan.

Binatikos din ni Pagaduan ang umiiral na sistema sa edukasyon, partikular ang tila “unwritten policy” ng mass promotion. Ayon sa kaniya, napipilitan ang mga guro na ipasa ang mga mag-aaral kahit hindi pa sapat ang kaalaman dahil sa napakaraming dokumentasyon at justification na hinihingi ng DepEd kapag may bumabagsak.

Pinuna rin ng lider ng ASSERT ang madalas na pagbabago sa kurikulum—mula K-12, MATATAG curriculum, hanggang sa paglipat sa “three-term curriculum”—na nagdudulot ng kalituhan at nakakaapekto sa mastery ng mga guro sa kanilang itinuturo.

Sa gitna ng isinasagawang Brigada Eskwela, nanawagan si Pagaduan sa pamahalaan na pondohan nang maayos ang mga paaralan sa halip na iasa sa mga guro ang pangangalap ng donasyon para sa pagsasaayos ng mga silid-aralan. Iginiit niya na dapat nang alisin ang mga hindi kinakailangang report at administrative tasks sa mga guro upang makatutok sila sa kanilang pangunahing tungkulin: ang magturo.

Sa huli, binigyang-diin ni Pagaduan na kailangan ng isang “systemic overhaul” sa sistema ng edukasyon upang maitaas muli ang kalidad nito. Aniya, ang edukasyon ay sama-samang pananagutan ng paaralan, pamilya, pamahalaan, at komunidad.

“Ang atin pong mga silid-aralan ay maaaring ayusin sa loob lamang ng ilang araw. Ngunit ‘yung kakayahang magbasa ng ating mga mag-aaral, kapag ito po ang ating naayos, magbubukas ito ng habang-buhay na oportunidad,” pagtatapos ni Pagaduan.