Hindi bababa sa 66 na bata ang nasawi na dahil sa malnutrisyon sa Gaza sa gitna ng digmaan ng Israel.

Ayon sa mga awtoridad sa Palestinian enclave, mas pinahigpit ang pagbabantay ng Israel na pumipigil sa pagpasok ng gatas, nutritional supplements at iba pang tulong na pagkain.

Samantala, patuloy ang pag-atake ng puwersang Israeli sa Gaza kung saan hindi bababa sa 60 Palestino ang napatay, kabilang ang 20 katao sa Tuffah neighborhood ng Gaza City.

--Ads--

Ayon sa media office, ang nakamamatay na blockade ng Israel ay isang war crime at nagpapakita ng sinadyang paggamit ng gutom bilang sandata upang lipulin ang mga sibilyan.

Mariing kinondena ng tanggapan ang tinawag nitong patuloy na krimen laban sa kabataan sa Gaza Strip sa gitna ng paghihirap ng mga batang ibinibilad sa gutom, sakit, at unti unti ay namamatay.

Idinagdag din nito na ang Israel, at pati na ang mga kaalyado nito tulad ng Estados Unidos, United Kingdom, Pransya, at Alemanya, ay may pananagutan sa sakuna na ito, at nanawagan sa United Nations na kumilos at agad na buksan ang mga border crossing patungong Gaza.

Ang pahayag ay inilabas ilang araw matapos magbabala ang ahensya ng UN para sa mga bata (UNICEF) na mabilis na tumataas ang bilang ng mga batang kulang sa nutrisyon sa Gaza Strip.