Nasawi ang isang 60 anyos na lalaki matapos mabangga ng isang SUV sa bayan ng Mangatarem dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Pmaj.Mark Ryan Taminaya, chief, PNP Mangatarem, sinabi nito na sangkot sa insidente ang isang motorsiklo na minamaneho ni Julian Gallardo, 60 anyos residente mula sa bayan ng Urbiztondo at isang itim na SUV na minamaneho naman ni Kert Toledo, 33 anyos at residente sa bayan ng Bugallon.
Ayon sa paunang imbestigasyon, habang tumatawid sa Romulo highway ang motorsiklong sinasakyan ni Gallardo papunta sana sa may Mabini St. nang di niya mapansin na may sasakyan ang bumabaybay sa gitna ng naturang kalsada.
Dahil dito, nabangga ng sasakyan ang motorsiklo at agad na nahulog si Gallardo mula sa kanyang sinasakyan kung saam nagtamo siya ng mga malubhang sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Nadala pa sa pagamutan ang biktima pero binawian din ng buhay kalaunan.
Hindi na nagsampa ng kaso ang pamilya ng biktima pero nangako si Toledo na tutulong siya sa gastusin sa naulilang pamilya ng biktima para sa burol nito.