Nagpadala ng panibagong proposal ang Iran para sa negosasyon sa Estados Unidos sa pamamagitan ng Pakistan.

Ayon sa ulat ng Islamic Republic News Agency, hindi nagbigay ng detalye ang naturang ahensya hinggil sa panukala, subalit kapansin-pansin na bumaba ang pandaigdigang presyo ng langis matapos ang kanilang ulat.

Nauna rito, tumaas nang husto ang presyo ng langis matapos simulan ng Iran ang blockade sa Strait of Hormuz—isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng enerhiya.

--Ads--

Sa ngayon, hindi pa malinaw kung naipasa na ang naturang panukala sa pamahalaan ng Estados Unidos.

Samantala, umiiral ang tigil-putukan mula pa noong Abril 8, ngunit muling uminit ang sitwasyon matapos lumabas ang ulat na bibigyan ng briefing si U.S. President Donald Trump hinggil sa posibleng panibagong opensibang militar laban sa Iran upang mapilit itong makipag-usap.

Dahil dito, umabot sa pinakamataas na antas sa loob ng apat na taon ang presyo ng langis noong Huwebes.

Ayon sa dalawang matataas na opisyal ng Iran na tumangging magpakilala, pinalakas na ng bansa ang kanilang air defenses at naghahanda ng malawakang tugon sakaling sila ay atakihin.

Batay sa kanilang pagsusuri, inaasahan ang isang maikli ngunit matinding pag-atake mula sa Estados Unidos, na posibleng sundan ng opensiba mula sa Israel.

Sa panig ng Washington, wala pang malinaw na pahayag hinggil sa susunod na hakbang. Nauna nang sinabi ni Trump na hindi siya nasiyahan sa naunang panukala ng Iran.

Samantala, hindi pa rin nagtatakda ng panibagong petsa para sa usapang pangkapayapaan ang Pakistan, sa gitna ng digmaang kumitil na ng libu-libong buhay, karamihan ay sa Iran at Lebanon.