DAGUPAN CITY- ‎Nakitaan ng malaking pagbuti sa kakayahan sa pagbasa ang mga mag-aaral ng Longos Elementary School sa ilalim ng ipinatutupad na Aral Program.

Layunin ng programa na matulungan ang mga batang nahihirapan sa pagbabasa sa pamamagitan ng mas tutok at mas mahabang oras ng pagkatuto.

‎Ayon kay Delia Magsanoc, mahigit 500 sa higit 700 estudyante ng paaralan ang kasalukuyang kabilang sa naturang programa.

Isinasagawa ang remedial reading sessions apat na araw kada linggo, mula Lunes hanggang Huwebes, kaya nagkakaroon ng karagdagang oras sa paaralan ang ilang mag-aaral bukod pa sa kanilang regular na klase.

Batay sa tala ng mga guro, unti-unti nang naitatala ang pag-unlad sa kakayahan ng mga bata sa pagbasa, kabilang ang mas maayos na pagkilala sa mga salita at mas malinaw na pag-unawa sa binabasa.

--Ads--

Itinuturing na mahalaga ang maagang interbensyon upang higit na mapalakas ang pundasyon ng literacy sa antas ng elementarya.

Samantala, nakatakda ring palawakin ng Department of Education ang pagtutok sa numeracy o kakayahan sa matematika, bilang bahagi ng pinalakas na programa para sa batayang kasanayan ng mga mag-aaral.

Inaasahang mas paiigtingin pa ang mga hakbang upang matugunan ang hamon sa pagbasa at pagbilang sa mga pampublikong paaralan.