DAGUPAN, CITY— Nasa kritikal na kondisyon ngayon sa ospital ang isang 49 anyos na ama matapos na tagain ng kanyang anak sa Barangay Sancagulis sa bayan ng Bayambang.
Ayon kay PLt. Jim Helario, ang Officer In-Charge ng Bayambang Police Station, nagkaroon umano ng kumprontasyon dahil sa lighter ang ama na nakilala na si Edgar De Vera at ang anak nito na si Edwin De Vera, 21 taong gulang, na siyang ugat ng insidente.
Aniya, nagtalo hanggang sa nagkatulukan ang mag-ama hanggang nang muling bumalik ang suspek, ay may dala na itong itak at tinaga ang kanyang ama.
Nagtamo ng malaking sugat sa bahagi ng tiyan ang biktima na siyang sanhi ng paglabas ng kanyang bituka.
Sa ngayon nasa kustudiya ng naturang himpilan ang suspek at nakasuhan na ito ng frustrated murder at hinihintay na ma-piyansahan ng nasa 200,000 piso.
Dagdag ni Helario, nasa pamilya na lamang ng dalawang mag-ama ang desisyon sa susunod na legal na hakbang na kanilang gagawin kasunod ng insidente.