Dagupan City – Arestado ang isang 32-anyos na lalaki matapos masakote sa ikinasang buy-bust operation kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, bandang alas-10:06 ng gabi noong Pebrero 5, 2026 sa Barangay Baybay Lopez, Binmaley, Pangasinan.

Ang suspek ay binata, walang hanapbuhay at residente ng Luna Street, Barangay Poblacion, Binmaley. Isinagawa ang operasyon matapos ang natanggap na impormasyon ng mga awtoridad hinggil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa nasabing lugar.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 0.14 gramo at may tinatayang Standard Drug Price na ₱952.00, gayundin ang isang tunay na ₱500.00 bill na ginamit bilang buy-bust money.

--Ads--

Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 laban sa kanya habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.