DAGUPAN CITY – Hindi bababa sa 27 na Palestino ang napatay sa isang airstrike ng Israel sa isang paaralan sa hilagang Gaza na nagsisilbing silungan para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan.

Ayon sa Health Ministry, marami pa ang nasugatan nang tamaan ang Dar al-Arqam school sa hilagang-silangan ng Tuffah district sa Gaza City.

Sinabi naman ng militar ng Israel na tinamaan nila ang mga kilalang terorista na nasa isang Hamas command and control center sa lungsod, ngunit hindi binanggit ang paaralan.

--Ads--

Naunang iniulat ng Health Ministry ang pagkamatay ng 97 katao sa mga pag-atake ng Israel sa nakaraang 24 oras, habang sinabi ng Israel na pinalalawak nila ang kanilang opensibang pang-lupa upang sakupin ang malalaking bahagi ng teritoryong Palestino.

Ayon kay Mahmoud Bassal, tagapagsalita ng Hamas-run Civil Defence agency ng Gaza, kabilang sa mga nasawi ang mga bata at kababaihan matapos ang airstrike sa nasabing paaralan.

Sinabi rin niya na nawawala ang isang babaeng buntis ng kambal kasama ang kanyang asawa, kapatid na babae, at tatlong anak.