Dagupan City – Nagkaroon ng mga bagong pasilidad na pinakikinabangan ngayon ng mga residente sa Barangay Capataan sa San Carlos City,
Ayon kay Barangay Captain Edilberto Rodel Pamintuan, patungkol sa mini park, malaking tulong ang naturang lugar dahil dito na idinaraos ang mga pagpupulong ng mga magsasaka, Bible study ng iba’t ibang relihiyon, at maging ang mga ensayo ng mga kabataan.
May libreng wifi rin sa lugar kaya dinarayo ito ng mga estudyante para sa kanilang pag-aaral at iba pang gawain.
Kasabay nito, tinutukan din ng barangay ang pagpapabuti ng daan para sa mga magsasaka.
Naipatupad na ang unang yugto ng farm-to-market road, habang nakatakdang isunod ang ikalawang bahagi na kinabibilangan ng paglalagay ng mga street light o cobra lights.
Layunin nitong mapadali ang pagdadala ng ani, lalo na sa mga bahagi na dati ay hirap daanan tuwing anihan.
Naipatayo rin ang bagong daycare center sa mas ligtas na lokasyon, hiwalay sa Barangay Hall. Malapit dito ang covered court, kapilya at mga waiting shed na may kasamang comfort room at paliguan para sa kababaihan.
Inaayos na rin ang sistema ng suplay ng tubig upang hindi na kailangang umigib pa ang mga residente.
Sa 2026, plano ng barangay ang pagtatayo ng karagdagang comfort room upang matugunan ang pangangailangan tuwing may malalaking pagtitipon.
Isasagawa rin ang pagpapagawa ng 444 linear meters na kalsada na nasira na, pati na ang paglalagay ng CCTV cameras para sa mas pinaigting na seguridad, kahit kinikilala ng pamunuan ang hamon ng pagkasira ng mga ito tuwing may bagyo.










