Nakitaan ng umano’y paglabag, walang resibo at supporting documents ang isinumiteng 2023 accomplishment reports ng Office of the Vice President (OVP) kaugnay ng confidential fund sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Martes, Agosto 4.

Sa direct examination sa testigo ng prosekusyon na si dating COA state auditor Roderick Wamil, ipinakita ni Prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan ang tatlong accomplishment reports ng OVP na may petsang Marso 30, 2023, Hulyo 11, 2023, at Oktubre 9, 2023.

Ang naturang mga dokumento ay ini-stipulate rin ng kampo ng depensa.

--Ads--

Nakalagda sa tatlong dokumento si VP Sara, na nangangahulugan na inaprubahan mismo ng bise presidente ang mga nilalaman ng accomplishment reports, ayon sa testigo ng prosekusyon.

Sinabi ni Wamil na naglalaman ang unang accomplishment report ng dalawang items na hindi “allowed” sa ilalim ng Section 4.8 ng Joint Circular 2015-01 o ipinagbabawal na gamitan ng confidential funds.

Nang tanungin pa ni Atty. Kapunan ang testigo sa iba pang obserbasyon nito, tinukoy ni Wamil ang isa pang item para sa payment of reward kung saan walang isinumite ang OVP na anumang “document evidencing the success” o dokumento na nagpapatunay ng matagumpay na information gathering o surveillance activities mula sa impormante.

Dito na tinanong ni Atty. Kapunan kung ito ba ay “violation” o paglabag sa Joint Circular, na sinang-ayunan naman ng testigo dahil hindi ito compliant sa mga kondisyon para sa payment of reward, na dapat ay may kalakip na supporting documents.

“Yes ma’am. That is a violation po,” sagot ng testigo.

Sa ikalawang accomplishment report, sinabi ni Wamil na mayroon ding line items na nagkakahalaga ng ₱40 milyong pondo para sa medical at food assistance, gayundin ang ₱10 milyong pondo para sa mga insentibo at travel expenses, na hindi allowable sa joint circular dahil “exclusive” o limitado lamang ang listahan ng pinahihintulutang confidential expenses.

Nagmosyon ang depensa na i-strike out sa rekord ang sagot ng testigo pagdating sa payment of rewards. Katwiran ni Atty Poa, ang pinaguusapan lamang ay kung may mali sa paggamit ng confidential funds subalit patungo na sa findings ang testigo na hindi parte ng accomplishment report.

Tinanggap o pinagbigyan naman ni Trial Presiding Officer Francis Escudero ang pagtutol ng depensa.