Nasawi ang dalawang pulis at isang empleyado ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong gabi ng Biyernes Santo, Abril 3, matapos ang nangyaring pamamaril sa Barangay Irawan sa Puerto Princesa City, Palawan.
Batay sa mga residente sa lugar, nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng police officers at ilang tambay bandang alas-9:40 kagabi.
Umalis ang mga pulis sa lugar subalit bumalik din umano na may kasamang backup na nagresulta sa panibagong komprontasyon na nauwi sa barilan.
Natukoy ang mga nasawi na sina Police Staff Sergeants Ryan Cris Cabaña at Jayson Fernandez, na pawang mga nakadestino sa Puerto Princesa City Police Station 2 at si Jerson Ojario Talon ng BuCor.
Ipinag-utos na ni Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Director Police Colonel Cristine Tabdi ang malalimang imbestigasyon sa krimen at naglunsad na rin ng manhunt operation para matukoy at maaresto ang mga suspek.
Ininutos din ng Police Director ang pagsisimula ng case buildup at pinaigting na mga operasyon.
Bumuo na rin ng Special Task Group na tututok sa kaso.










