BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang dalawang katao na lulan ng isang tricycle matapos magkabanggaan ang kanilang sinasakyan at isang truck sa kahabaan ng national highway sa Brgy.Tocok sa bayan ng San Fabian.

Ayon kay PLT.COL. Michael Datuin sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan na medyo paliko ang lugar kung saan nangyari ang banggaan, na siya namang nakikitang naging sanhi ng insidente.

Kinilala ang nagmamaneho ng Isuzu truck na si Victor Lerot Coilan, 56 taong gulang, may asawa, driver, may hawak ng driver’s license at residente ng New Poblacion, Burgos, La Union habang ang isang Pulang Honda na tricycle na walang kalakip na plate number, ay minamaneho naman ni Dave Quisora ​​Abiva, 26 taong gulang, binata, walang trabaho, kasama ang kanyang pasahero na si Shadrac Luke Gubatan Ringor, 16 taong gulang, estudyante, at kapwa mga residente ng Brgy. Bolasi sa nasabing bayan.

--Ads--

Itinakbo sa ospital ang mga biktima kabilang na ang driver ng truck ngunit ideneklarang dead on arrival ang dalawang lulan ng tricycle.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng San Fabian MPS ang driver ng truck at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon. Kaugnay nito kapag mapag alaman na may pananagutan ang driver ng truck ay sasampahan ito ng kaukulang kaso.

Samantala, ani Datuin na mula Enero hanggang sa kasalukuyan ngayong taon ay apat na ang naitatalang aksidente sa kakalsadahan sa kanilang nasasakupan.