Patay sa engkuwentro ang dalawa sa tatlong hinihinalang holdaper matapos umanong umatake at nakawan ang isang eatery at tumangay pa ng isang motorsiklo sa Ta;avera Nueva Ecija.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng Bombo radyo Dagupan umatake umano ang tatlong hindi nakilalang suspek sa isang eatery store sa Brgy. Gulod, Talavera na pag-aari ng negosyanteng si Evelyn Moraleda, 62-anyos, at natangay ang sling bag nito na may lamang pera na hindi pa batid ang halaga.

Sa kanilang pagtakas, ginamit ng dalawa sa mga suspek ang nakaparadang motorsiklo na ng kustomer ng eatery na si Juanito Santiago.

--Ads--

Agad ipinagbigay alam sa kapulisan ang insedente dahilan upang magsagawa ng hot pursuit operation ang quick reaction team at intelligence operatives ng Talavera Police laban sa mga suspek.

Nang matiyempuhan ang mga suspek sa Brgy. Mamandil, pinaputukan umano ng isa sa kanila ang mga pulis habang ang isa pang suspek ay nakita nilang may hawak na granada.

Nagkaroon ng engkuwentro na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa habang nagawang makatakas ang isa pang suspek sakay ng isang motorsiklo.

Kapwa nabawi ang tina­ngay na motorsiklo ni Santiago pati ang sling bag ni Moraleda. Nakuha rin sa crime scene ang isang caliber .40 pistol pati ang nasabing granada at ilang basyo ng nasabing pistola.