Dagupan City – Umabot sa halos 100 katao ang matagumpay na nakapag-donate ng dugo sa Dugong Bombo 2025 na ginanap sa Nepo Mall, Arellano Street, Dagupan City, Nobyembre 15, na isang buong araw na aktibidad na layuning tumulong sa patuloy na pangangailangan ng dugo.

Isa sa mga nagbahagi ng kanyang karanasan ay si Krizel Leica Catalan, isang first-time blood donor.

Ayon sa kanya, matagal na niyang nais magbigay ng dugo ngunit ilang aspeto sa kalusugan ang naging dahilan upang hindi siya makapag-donate noon. Dahil dito, naghintay siya ng isang taon bago tuluyang nabigyan ng pagkakataon.

--Ads--

Ikinuwento ni Catalan na ang pinakamalaking dahilan ng kanyang pagdodonate ay ang kagustuhang makatulong, lalo na’t naospital ang kanyang kapatid noon at nangailangan sila ng maraming dugo.

Mula sa karanasang iyon, naging panata niya na sana ay maging regular blood donor siya.

Aminado siyang kinabahan dahil unang beses pa lamang niya, at may pangamba rin dahil mataas ang blood pressure nila sa pamilya.

Gayunman, pinuri niya ang maingat na screening process na aniya’y mahalaga upang matiyak na ligtas at maayos ang donasyon para sa donor at sa tatanggap nito.

Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa Bombo Radyo Philippines Foundation Incorporated, Bombo Radyo Philippines, at Philippine Red Cross sa patuloy na pagsasagawa ng mga programang nakapagliligtas ng buhay.

Patuloy na itinataguyod ng Dugong Bombo ang adbokasiyang “A little pain, a life to gain,” na naglalayong hikayatin ang mas marami pang Pilipinong tumulong sa pamamagitan ng pagdodonate ng dugo.