Labinlimang katao, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi sa pag-atake ng Russia sa lungsod ng Zaporizhzhia sa timog Ukraine nitong Sabado.

Ayon sa mga ulat, kabilang sa mga nasawi ang isang anim na taong gulang na batang babae matapos tamaan ng bomba ang isang gusali ng apartment at gumuho ang bahagi nito.

Labing-apat pang katao ang nasugatan sa insidente.

Ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy gumamit ang Russia ng limang glide bomb laban sa mga gusaling tirahan.

Binatikos din niya ang desisyon ni US President Donald Trump na pansamantalang alisin ang mga parusa sa pag-export ng diesel ng Russia.

Ayon kay Zelenskiy, ang pagpapagaan ng mga parusa ay maaaring magbigay ng senyas sa Russia na maaari nitong ipagpatuloy ang mga pag-atake.

Patuloy namang nagsagawa ng operasyon ang mga rescue worker upang iligtas ang mga residenteng naipit sa gumuhong gusali.

--Ads--

Ayon sa lokal na gobernador na si Mykhailo Semikin, sabay-sabay na tinamaan ng mga pag-atake ang ilang lugar sa lungsod noong madaling-araw ng Sabado.

Ang Zaporizhzhia, na matatagpuan wala pang 30 kilometro mula sa front line, ay isa sa mga lungsod na madalas puntiryahin ng pambobomba ng Russia.