DAGUPAN CITY- Umabot sa isang daang (100) dump truck ng lupa ang unang naihatid at itinabon sa Longos Elementary School sa San Fabian, Pangasinan.

Bahagi ito ng hakbang upang maresolba ang matagal nang suliranin ng paaralan sa pagbaha.

Ayon sa punong-guro na si Gng. Delia Magsanoc, inaasahan pang may paparating na mga quarry truck upang tuluyang maitambak ang mga mabababang bahagi ng paaralan.

--Ads--

Pangunahing layunin ng proyekto ang maiangat ang harapang bahagi ng eskwelahan na palaging nilulubog ng tubig-ulan, lalo na kapag masama ang panahon.

Hindi lamang ang harapan ng paaralan ang tinambakan, isinama na rin ang ilang silid-aralan na labis na naapektuhan ng pagbaha nitong mga nakaraang taon.

Sa kasalukuyan, pansamantalang hindi nagagamit ang mga klasrum na ito habang isinasagawa ang pagpapantay ng lupa.

Ipinahayag ng pamunuan ng paaralan na seryoso ang epekto ng baha sa pag-aaral ng mga estudyante.

Sa ngayon, humihingi sila ng tulong mula sa pamahalaan upang madagdagan pa ang suporta at pondo para sa tuloy-tuloy na rehabilitasyon ng pasilidad.

Kalakip ng panawagan ang isang resolusyong ipinasok ng paaralan na layuning maitaas hindi lamang ang pisikal na estruktura ng paaralan kundi pati na rin ang antas ng kahandaan nito sa harap ng mga sakuna.