DAGUPAN CITY–Isang patay, at siyam na bagong kaso ng Covid-19 ang naitala sa lungsod ng Dagupan.

Ang namatay ay isang 55-taong gulang na Filipino-Chinese na negosyante na may puwesto sa A.B. Fernandez Ave.
Ayon kay Dr. Ophelia Rivera, ang Covid-19 focal person ng lungsod, ang negosyante ay nagka-diarrhea noong September 6. Siya ay na-admit sa isang pribadong ospital sa lungsod noong September 8.

Sa isinagawa sa kanyang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test noong September 9, nakitang positibo siya sa SARS-CoV-2, ang strain ng coronavirus na nagdudulot ng Covid-19.

--Ads--

Siya ay namatay halos 20 minuto lamang matapos ma-release ang resulta ng kanyang RT-PCR test nang araw ding iyon. Siya ay na-cremate na rin kahapon.

Ang mga nagpositibo ay kinabibilagan ng isang 3-taong gulang na bata.

Ang bata ay hinihinalang nahawa ng kanyang dalawang kamag-anak na nagpositibo rin sa SARS-CoV-2 matapos silang ma-expose sa isa pang kamag-anak na nauna nang nagka-Covid-19. Silang tatlo ay pawang taga-Barangay Calmay.

Ang pang-apat na bagong kaso ay isang 26-taong gulang na lalaking taga-Mapandan, Pangasinan na kasalukuyang nakatira sa Barangay Bolosan.

Siya ay nilagnat at inubo noong September 2 at sumalilalim sa RT-PCR test noong September 9 sa isang pribadong ospital.

Sa resulta ng kanyang test na inilabas , positibo siya sa SARS-CoV-2.

Sa limang bagong kaso ng Covid-19 na naitala sa lungsod , tatlo ang magkakamag-anak na pawang mga taga-Barangay Bonuan Gueset. Sila ay nakaranas ng mga flu-like symptoms noong September 2 at kalaunan, nawala ang kanilang panlasa at pang-amoy.

Sa resulta ng RT-PCR test na isinagawa sa kanila noong September 8 at inilabas nang sumunod na araw, sila ay nakitang positibo sa SARS-CoV-2.

Kasama rin sa nga bagong kaso ang isang 59-taong gulang na babaeng taga Barangay Poblacion Oeste.

Siya ay nagpa-test matapos siyang ma-expose sa isang confirmed Covid-19 case.

Dahil sa mga bagong kaso, mayroon nang 22 active cases ang lungsod. Apatnapu’t tatlo naman ang gumaling na at tatlo na ang namatay mula noong Marso. Nakapagsagawa na ng contact tracing ang mga teams mula sa City Health Office at Department of Health.

Sumatotal, sa Pangasinan, 463 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.