Dagupan City – Ipinaliwanag ni Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst ang umano’y pagkakamali sa dokumento kaugnay ng kasong isinampa laban sa dating broadcaster na si Jay Sonza.
Ayon kay Yusingco, ang kaso laban kay Sonza ay may kinalaman sa paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code o ang pagpapakalat ng maling impormasyon, at hindi libel.
Nilinaw rin niya na mali ang pagkakalagay na non-bailable ang naturang kaso.
Aniya, malinaw sa batas na ang lahat ng akusado ay may karapatang magpiyansa, maliban na lamang sa mga kasong may parusang reclusion perpetua o life imprisonment, at kung saan malakas ang ebidensya ng pagkakasala.
Dagdag pa rito, ang mga tinuturing na non-bailable na kaso sa Pilipinas ay karaniwang kinabibilangan ng mga mabibigat na krimen tulad ng murder, parricide, at ilang kaso ng drug trafficking.
Sa mga ganitong sitwasyon, maaaring tanggihan ang piyansa kung mapatunayang matibay ang ebidensya laban sa akusado.
Binigyang-diin din ni Yusingco na hindi ang pangulo ang naghain ng kaso laban kay Sonza.
Aniya, dahil ito ay isang kriminal na usapin, ang mga law enforcement agency ang may mandato na magsampa ng kaso.
Ipinaalala rin niya na ang Article 154 ay isang lumang batas na naipasa pa noong dekada 1930, at matagal na umanong hindi nagagamit bago ang pag-usbong ng social media.
Matatandaang dalawang taon na ang nakalipas nang bumuo ang Philippine National Police (PNP) ng isang task force na tututok sa paghuli ng mga indibidwal na nagpapakalat ng maling impormasyon.
Dito na rin ipinaliwanag ni Yusingco ang kaibahan ng libel at paglabag sa Article 154.
Aniya, ang libel ay tumutukoy sa pagpapakalat ng maling impormasyon na may layuning sirain ang reputasyon ng isang tao at may malicious intent, samantalang ang Article 154 ay nakatuon sa simpleng pagpapakalat ng maling balita o impormasyon.
Kaugnay nito, naitama naman na ang naturang error sa dokumento at pinayagan na rin ang pagpiyansa ni Sonza.
Sa kabila nito, inaasahan ni Yusingco na maaaring magkaroon ng malaking epekto ang kaso sa reputasyon ng dating broadcaster, lalo na kung mapapatunayang nagpakalat siya ng maling impormasyon, na posibleng magdulot ng pagkawala ng tiwala ng publiko sa kanya.










