Dagupan City – Nasakote ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga at nakumpiska ang tinatayang ₱272,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang magkasanib na buy-bust operation sa Dagupan City nitong Hulyo 30.
Sa ilalim ng pamumuno ni City Director PCol. Arnold P. Solomon, pinangunahan ng Police Station 6 sa pangunguna ni PCPT Nicodemus R. Cabais ang operasyon, katuwang ang City Police Drug Enforcement Unit, City Intelligence Unit, City Investigation and Detective Management Unit, City Mobile Force Company, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1.
Naaresto sa operasyon ang isang 56-anyos na lalaki na residente ng Mangaldan. Narekober mula sa kanyang pag-iingat ang apat na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 40 gramo at tinatayang Standard Drug Price na ₱272,000.
Nasamsam din ang isang cigarette case, isang cellphone, isang motorsiklong walang plaka, at ang marked at boodle money na ginamit sa transaksyon.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang operasyon alinsunod sa umiiral na mga alituntunin kung saan gumamit ang operating team ng body-worn cameras at iba pang recording devices.
Isinagawa rin sa lugar ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa harap ng suspek at mga kinakailangang saksi bilang pagsunod sa itinakda ng batas.
Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Police Station 6 para sa kaukulang dokumentasyon at proseso.
Kasalukuyan siyang nakapiit sa custodial facility ng DCPO habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa kanya.










