Nananatiling balot ng hindi magandang amoy ng mga labi ang bumabalot sa Devighat, Nepal, kahit isang buwan na ang nakalipas mula nang tamaan ito ng isang mapanirang baha.
Patuloy ang ginagawang paghukay sa makapal na putik na lumamon sa mga kabahayan, negosyo, at mga pangunahing kalsada.
Dahil sa patuloy na paggalaw ng mga labi at latak, lalo pang umaalingasaw ang mabahong amoy sa buong paligid.
Ayon sa mga residenteng nakaligtas, ang paghupa ng nakakamatay na baha ang siyang naging simula ng panibagong paghihirap.
Bagamat dagsa ang tulong noong mga unang araw ng sakuna, idinaing nila na unti-unti nang nababawasan ang relief goods at suporta na nakararating sa kanila.
Nagpahayag rin ang Finance Minister ng Nepal na kakailanganin ng bansa ang humigit-kumulang $4 bilyon hanggang $5 bilyon upang tuluyang maipagawa at maibalik sa ayos ang mga nawasak na imprastraktura at komunidad.
Samantala, sa isang eksklusibong panayam ng Star FM Bacolod kay Hope Joyce Degayo Sunwar, isang Pilipinang kasalukuyang nasa Nepal, ibinahagi nito ang bayanihan ng ating mga kababayan.
Ayon sa kaniya, nagtulong-tulong ang mga OFW at Pilipino doon upang mag-solicit ng pinansyal na tulong para sa isang Pinay na ganap na nawalan ng tahanan at ari-arian dahil sa matinding pagbaha.










