Mariing kinondena ng women’s right group na Gabriela ang umano’y “kissing auction” na naganap sa isang campaign rally kung saan isang matandang babae ang iniharap sa entablado at pinabidahan ng mga halik kapalit ng salapi sa syudad ng Urdaneta, Pangasinan.
Ayon kay Clarice Palce, ang Secretary-General ng Gabriela, ang insidenteng ito ay isang malinaw na pambabastos at halimbawa ng pananamantala sa kababaihan na hindi ito pagpapakita ng kabutihang-loob.
Aniya, isinapubliko lamang ang paglalagay sa matandang babae sa isang kahihiyang sitwasyon para maaliw ang mga pulitiko at mga manonood.
Sa nasabing campaign rally video, makikita sina suspended Urdaneta City Mayor Julio ‘Rammy’ Parayno III, Vice Mayor Jimmy Parayno at isang lola.
Sinabing bibigyan ng ilang libong pisong premyo ang matandang babae kapalit ng paghalik kay Vice Mayor Parayno na nagsimula sa P1,000 hanggang sa umabot sa P5,000 ang premyo.
Dagdag pa ng women’s right group, ang tunay na pagtulong ay hindi nangangailangan ng kapalit na kahihiyan. Maituturing aniya itong pagsasamantala, hindi pagkakawanggawa.
Hinimok din ng Gabriela ang Commission on Elections (COMELEC) na imbestigahan ang insidente at magsagawa ng kaukulang aksyon laban sa mga opisyal na sangkot.
Nanawagan naman ito sa publiko na mas paigtingin ang representasyon ng kababaihan sa pulitika at pamahalaan upang masiguro na may tinig ang kababaihan laban sa ganitong mga uri ng abuso.
Samantala, hindi pa naglalabas ng pahayag ang team Parayno kaugnay sa usapin.
Matatandaan na noong Abril, inaprobahan ng Comelec ang supplemental resolution no. 11127 na naglalayong palawakin at paigtingin ang mga patakaran laban sa diskriminasyon at hindi patas na kampanya para sa halalan sa Mayo 12, 2025.
Layunin nitong gawing “safe spaces” ang lahat ng aktibidad at lugar na may kaugnayan sa eleksyon, kabilang ang mga online platforms tulad ng social media, upang maprotektahan ang mga kalahok mula sa diskriminasyon, pananakot, at paggamit ng bastos na wika.