Kontrolado na ang malaking wildfire na sumiklab sa timog-kanlurang bahagi ng France, ngunit masusing nakabantay ang mga awtoridad upang maiwasan ang panibagong pagkalat ng apoy.

Ayon kay Leo Brisenio, Bombo International News Correspondent sa France, sa panayam ng Bombo radyo Dagupan, napakalawak ng tinupok ng wildfire sa rehiyon ng Bordeaux. Aniya, ang lawak ng nasunog na lugar ay maihahambing sa halos kabuuang sukat ng lalawigan ng Ilocos Norte.

Dahil sa insidente, mahigit 220,000 katao ang naapektuhan, kabilang ang halos 5,000 campers na inilikas.

--Ads--

Saad ni Brisenio na nangyari ang wildfire sa kasagsagan ng vacation season sa France, kung kailan maraming turista ang nagtutungo sa mga camping site at iba pang outdoor destinations.

Bagama’t wala pang naitatalang nasawi, may ilang nasugatan, kabilang ang mga bumberong patuloy na nakikipaglaban sa apoy.

Dahil sa tindi ng sitwasyon, humingi na ng karagdagang tulong ang France sa European Union upang mapabilis ang tuluyang pag-apula sa wildfire.

Halos isang linggo nang nagpapatuloy ang operasyon laban sa sunog. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente. Kabilang sa mga tinitingnang posibleng pinagmulan nito ang hindi maayos na pagtatapon ng upos ng sigarilyo at mga bonfire na iniwan ng mga campers at hikers.

Dagdag pani Brisenio na isa ring malaking salik sa mabilis na pagkalat ng apoy ang matinding init ng panahon na nagiging sanhi ng pagkatuyo ng mga halaman, damo, at mga taniman ng trigo, kaya mas madaling kumalat ang apoy sa malalawak na lugar.