Upang mapalawak pa ang kamalayan ng lahat, kahit ng mga opisyal ng gobyerno, ilulunsad ang West Philippine Sea (WPS) Mural Festival 2026 bukas, Pebrero 10, sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City.

Ang festival ay bahagi ng National Arts Month 2026 at unang ipinakilala noong Pebrero 1 sa Rizal Park, Maynila.

Layunin nitong gawing plataporma ang sining upang ipahayag ang kahalagahan ng West Philippine Sea sa kabuhayan, kultura, at soberanya ng bansa.

--Ads--

Pinangungunahan ng mga artist collectives at community-led creative groups, suportado ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Philippine Coast Guard (PCG), ang proyekto ay inaasahang magtatampok ng malalaking mural na magsisilbing “visual frontline” ng adbokasiya.

Ayon kay filmmaker Baby Ruth Villarama, ang festival ay extension ng kanyang award-winning documentary na “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea”, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng dagat sa identidad ng mga Pilipino.

Sa BGC, inaasahang dadalo ang mga kilalang pintor, kabataan, at volunteers upang sabay-sabay na magpinta ng mga obra na magtatampok sa yaman ng dagat, kasaysayan, at pakikibaka ng mga mangingisda.

Bukod sa Taguig, nakatakdang palawakin ang mural festival sa iba’t ibang rehiyon ng bansa upang maging tulay ng mas malawak na diskurso tungkol sa maritime heritage at national pride.

Dadalo din sa event sina Commodore Jay Tarriela, retired Justice Antonio Carpio at marami pang iba.

Ang WPS Mural Festival ay inaasahang magiging makasaysayang hakbang sa paggamit ng sining bilang plataporma ng adbokasiya para sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.