Inaasahang sa Lunes pa maaaring magpiyansa si Vice President Sara Duterte kaugnay ng tatlong kasong grave threats na isinampa laban sa kanya.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutionalist at political analyst, hindi umano maaaring agad sumuko ang Bise Presidente mula gabi ng Biyernes hanggang sa Linggo dahil walang pasok sa korte. Dahil dito, maaari umanong manatili sa kustodiya si Duterte hanggang sa Lunes.
Aniya, obligadong ipatupad ng National Bureau of Investigation o NBI at iba pang law enforcement agencies ang warrant of arrest na inilabas ng korte at isailalim sa kustodiya ang Bise Presidente. Maaari naman umano siyang magpiyansa sa Lunes.
Ipinaliwanag ni Cera na kahit maghain ng motion to quash ang kampo ni Duterte, kailangan pa rin nitong dumaan sa proseso ng piyansa kaugnay ng mga kasong kinakaharap. Aniya, maaari sanang naiprisinta noong preliminary investigation ang depensa ng Bise Presidente sa pamamagitan ng pagsusumite ng counter-affidavit.
Giit ni Cera, seryoso ang tatlong counts of grave threats na isinampa laban kay Duterte at maaari itong humantong sa kanyang pagkakakulong kung mapatutunayang nagkasala.
Una rito, nagpalabas nitong Biyernes ang Quezon City Regional Trial Court ng warrant of arrest laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng tatlong kasong grave threats na may kinalaman sa umano’y pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Agad namang naglabas ng opisyal na pahayag ang legal counsel ng Bise Presidente na si Atty. Paul Lawrence Lim hinggil sa kautusan ng hukuman.
Binigyang-diin ni Lim na walang intensiyon ang Bise Presidente na tumakas o umiwas sa proseso ng batas, sa kabila ng mga usapin ng kanyang kampo hinggil sa hurisdiksyon ng korte.










