Muling binatikos ni Vice President Sara Duterte ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pagharap sa mga tagasuporta sa Quezon City Justice Hall kaninang umaga.
Ito ay matapos ipagpaliban ngayong araw ang kanyang arraignment o pagbasa ng sakdal sa Quezon City Regional Trial Court sa kasong grave threats dahil sa mga nakabinbin pang mosyon ng kanyang kampo.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng bise presidente na hindi niya kayang umalis o manahimik habang nakikita umano niya ang paghihirap ng mga Pilipino at ng kanilang mga pamilya.
Matapos nito, direkta namang binatikos ni Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at inakusahan itong sinungaling at abusado.
Iginiit din ng bise presidente na wala umanong utang na loob ang Pangulo sa mga Pilipinong naghalal sa kanya at dapat na raw itong magbitiw sa pwesto.
Kasunod ng kanyang mga batikos, hinimok ni Duterte ang kanyang mga tagasuporta na ipagpatuloy ang kanilang laban laban sa mga taong, ayon sa kanya, sangkot sa katiwalian at iba pang isyu.
Samantala, patuloy pa ring nasa gitna ang pangalawang pangulo sa legal na proseso sa kanyang kinakaharap na kaso.










