MANILA, Philippines — Sinuportahan ni Senador Joel Villanueva ang panukalang palawakin ang kapangyarihan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), ngunit iginiit niyang dapat itong samahan ng mahigpit na mga limitasyon at mekanismo ng pananagutan upang maiwasan ang pang-aabuso.

Ayon kay Villanueva, kailangang makahabol ang batas sa lalong nagiging sopistikadong mga krimeng pinansyal, ngunit hindi dapat maging dahilan ang mas malawak na kapangyarihan upang malabag ang due process at mga karapatang nakapaloob sa Konstitusyon.

Si Villanueva ang may-akda ng Senate Bill No. 1983 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 9160 o Anti-Money Laundering Act (AMLA).

--Ads--

Sa ilalim ng panukala, palalawakin ang kapangyarihan ng AMLC, kabilang ang awtoridad na magpalabas ng transaction suspension orders, administrative freeze orders at subpoenas, gayundin ang pagpapalawak ng saklaw ng mga taong at negosyong kailangang sumunod sa AMLA.

Kabilang sa mga isasailalim sa AMLA compliance ang trust and company service providers, mga abogado at accountant na sangkot sa ilang financial transactions, online gambling operators at virtual asset service providers.

Kasabay nito, isinusulong din ng panukala ang pagdaragdag ng mga predicate offenses sa money laundering, kabilang ang cybercrime, environmental crimes, agricultural economic sabotage at online sexual abuse and exploitation of children.

Inihain ang panukala matapos muling hilingin ng AMLC ang karagdagang kapangyarihan upang pansamantalang ipahinto ang mga kahina-hinalang transaksiyon at i-freeze ang mga pinaghihinalaang criminal assets kahit wala pang court order. Ayon sa konseho, mahalaga ang mga amyenda bago ang Financial Action Task Force (FATF) Fifth Round of Mutual Evaluation ng Pilipinas sa 2027.

Gayunman, binigyang-diin ni Villanueva na ang anumang kapangyarihang mag-freeze ng assets o magsuspinde ng transaksiyon nang walang paunang pahintulot ng hukuman ay dapat malinaw ang limitasyon, may itinakdang panahon, nakabatay sa sapat na legal at factual basis, at nananatiling saklaw ng judicial review at oversight ng Kongreso.

Idinagdag pa ng senador na dapat manatiling umiiral ang mga safeguard na nakasaad sa AMLA, iba pang umiiral na batas at mga desisyon ng Korte Suprema upang matiyak na hindi magagamit ang batas laban sa mga inosenteng indibidwal, lehitimong negosyo o maging sa mga kalaban sa pulitika.