Umapela ng not guilty ang napatalsik na pangulo ng Venezuela na si Nicolás Maduro sa mga kasong narco-terrorism sa kaniyang unang court appearance sa New York kasama ng kaniyang asawang si Cilia Flores.
Sa pagharap ni Maduro, itinanggi niya ang apat na kasong kriminal na kinabibilangan ng narco-terrorism, sabwatan sa pag-aangkat ng cocaine, at ilegal na pagmamay-ari ng mga machine gun at mapanirang sandata.
Inaakusahan si Maduro na namuno at nagprotekta sa isang malawak na cocaine-trafficking network na umano’y nakipag-ugnayan sa iba’t ibang mararahas na grupo, kabilang ang mga cartel ng Mexico na Sinaloa at Zetas, mga rebeldeng FARC ng Colombia, at ang Venezuelan gang na Tren de Aragua.
Matagal nang itinatanggi nito ang mga paratang, at iginiit na ang mga ito ay bahagi lamang ng umano’y imperyalistang plano ng Estados Unidos upang kontrolin ang mayamang reserba ng langis ng Venezuela.
Habang patuloy na binibigyang-reaksyon ng mga world leader at mga American politicians ang hindi pangkaraniwang pagdakip sa isang dating pinuno ng estado, naglabas naman ang pamahalaan ng Venezuela ng isang emergency order noong Lunes.
Inaatasan nito ang kapulisan na hanapin at arestuhin ang sinumang umano’y sumuporta sa isinagawang operasyon ng Estados Unidos noong Sabado.
Kasabay nito, tinalakay rin ng United Nations Security Council ang legalidad at mga implikasyon ng naturang operasyon.
Kinondena ng Russia, China, at ng mga kaalyadong leftist allies ng Venezuela ang nasabing paglusob, na ayon sa kanila ay paglabag sa soberanya ng bansa.










