Isasailalim na sa total lockdown ngayon ang bayan ng Bayambang matapos na maitala doon ang unang kaso ng nagpositibo sa sakit na coronavirus disease-2019 (COVID-19) dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Una rito, kinumpirma ng LGU Bayambang na tuluyan naring binawian ng buhay ang biktima nitong araw lamang, Marso 20 kung kailan dumating din resulta ng pagsusuri nito mula sa DOH na ito ay positibo sa nakamamatay na virus .
Sa ipinalabas na advisory, epektibo ang naturang lockdown simula mamayang alas-12:01 ng madaling araw ng Marso 21.
Sa ilalim ng naturang direktiba, walang sinuman ang maaaring lumabas at pumasok sa bayan hangang Marso 28.
Hindi din pinapayagan ang mga residente ng Brgy. Bical Norte na lumabas ng kani-kanilang mga tahanan at mahigpit na sundin ang home quarantine.
Bukod dito, magsasagawa din ng sanitation sa lugar.
Umaasa naman ang LGU Bayambang na ang lahat ay makikiisa sa ipinapatupad na hakbang upang malabanan ang pagkalat ng naturang virus. (with reports from Bombo Cherryl Ann Cabrera)