DAGUPAN CITY- Inanunsyo ni UK Defence Secretary John Healey na maglalabas ang pamahalaan ng bagong defence review bilang babala sa Russia, kasunod ng patuloy na cyber-attacks ng Moscow sa militar ng Britanya araw-araw.
Layon ng review na ito na patatagin ang depensa ng bansa laban sa lumalalang banta mula sa Russia at iba pang bansa gaya ng China. Itinuturing itong simula ng isang “bagong yugto ng panganib.”
Bahagi ng plano ang bilyong pondo para sa anim na bagong pabrika ng bala at pampasabog. Aabot sa £6 bilyon ang kabuuang pondo sa paggawa ng armas sa loob ng termino ng kasalukuyang parlyamento, na lilikha rin ng 1,800 bagong trabaho.
Dagdag pa rito, bibili ang UK ng mga long-range weapons tulad ng mga drone at missile bilang bahagi ng modernisasyon ng militar.
Target ng pamahalaan na itaas ang defence spending sa 3% ng GDP pagsapit ng 2034, upang matiyak na laging handa ang produksyon ng armas.
Itinuturo ng digmaan sa Ukraine ang kahinaan ng Kanluran sa mabilisang paggawa ng armas, dahilan para itulak ng UK ang muling pagbuhay sa kanilang industriyang pandepensa.