DAGUPAN CITY- Samu’t sari ang naglilipanang teorya ng mga residente sa Washington, D.C matapos ang banggaan ng isang passenger plane at isang military helicopter.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bardford Adkins, Bombo International News Correspondent sa USA, maingay na teorya ang pagkakaroon ng kakulangan ng tauhan sa control tower.
Aniya, lumalabas sa narecober na black box o ang Flight recorder na tinatanong ng controller sa nasabing control tower ang military helicopter kung nakikita nito ang passenger plane, subalit huli na ang lahat nang mapansin ito ng naturang helicopter.
Maliban pa riyan, sinisisi umano ng mga residente si US President Donald Trump ang insidente dahil sa mga ipinapatupad nito at ang mga executive orders na nilagdaan nito.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na public statement ang pangulo kaugnay sa insidente subalit, naniniwala si Adkins na ikinababahala rin ng White House ang pangyayari at inaaksyunan na ito.
Samantala, isa umanong record-breaking at most disastrous plane collision sa Washington, D.C ang nasabing banggaan.
Patuloy pa rin ang isinasagawang rescue operations sa mga biktima ng plane crash sa Washington, D.C matapos magbanggaan sa ere ang isang passenger plane at isang military helicopter.
Nahihirapan pa rin ang mga otoridad na makuha ang lahat ng mga labi na maaaring nasawi sa insidente at inaasahan pa ang matagal na proseso upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Ani Adkins, bilang pa lang at hindi bababa sa 10 ang natutukoy na nasawi mula sa insidente.