Nagpahayag ng matinding galit si US President Donald Trump matapos ang desisyon ng Supreme Court nitong Biyernes na nagsasabing wala siyang kapangyarihang magtakda nang mag-isa ng mga taripa sa mga inaangkat na produkto.

Sa desisyon ng Korte Suprema, binigyang-diin na hindi maaaring unilaterally o mag-isa lamang na magpatupad ng taripa ang pangulo nang walang sapat na batayan sa batas.

Bilang tugon, binatikos ni Trump ang ilang mahistrado at iginiit na ipagpapatuloy niya ang umiiral na pandaigdigang digmaang pangkalakalan na aniya’y mahalaga sa interes ng Estados Unidos, kahit pa halos isang taon na nitong pinananatiling tensiyonado ang pandaigdigang merkado.

--Ads--

Sa kabila ng ruling na paulit-ulit niyang tinawag na walang saysay, agad na inanunsiyo ni Trump ang pagpapatupad ng panibagong 10 porsiyentong taripa sa lahat ng inaangkat na produkto mula sa iba’t ibang bansa, bukod pa sa mga umiiral nang buwis.

Kasunod nito, nagpalabas siya ng proklamasyon upang agarang ipatupad ang naturang hakbang.

Ayon sa umiiral na batas, maaari umanong magpatupad ang pangulo ng hanggang 15 porsiyentong taripa sa loob ng 150 araw.

Gayunman, posibleng maharap sa panibagong mga legal na hamon ang bagong kautusan.