Sa nalalapit na pagdiriwang ng Labor Day, muling iginiit ng mga grupo ng manggagawa ang panawagan na tuldukan na ang matagal nang isyu ng contractualization o “endo” sa bansa.

Ayon kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, wala pa ring nakikitang makabuluhang pagbabago sa kalagayan ng mga manggagawa pagdating sa end-of-contract scheme.

Sinabi ni Cainglet na indikasyon ng patuloy na problema ang pagdami ng mga manggagawa sa informal sector at ang paglaganap ng job order at contract of service arrangements sa gobyerno.

--Ads--

Tinatayang nasa 800,000 manggagawa sa public sector ang nasa ganitong uri ng employment setup.

Dahil dito, nawawala ang malinaw na employer-employee relationship, na nagiging dahilan upang maiwan ang mga manggagawa na mag-isa sa pag-aasikaso ng kanilang benepisyo at seguridad sa trabaho.

Binanggit din ni Cainglet ang kalagayan ng mga platform workers, tulad ng delivery riders at online freelancers, na kadalasang hindi kinikilala bilang regular na empleyado.

Aniya, pinagkakaitan sila ng tamang status bilang empleyado, kaya kulang sila sa proteksyon.

Bukod sa usapin ng trabaho, binigyang-diin din ang epekto ng matinding init ng panahon sa kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa.

Ayon kay Cainglet, hindi ligtas ang pagtatrabaho sa ilalim ng matinding sikat ng araw dahil naaapektuhan nito ang productivity, pati na rin ang pisikal na kalagayan ng mga manggagawa.

Bilang bahagi ng paggunita ng Labor Day, inaasahang magsasama-sama ang iba’t ibang grupo ng manggagawa upang magsagawa ng mga pagtitipon at martsa sa Lunes.

Layunin ng mga aktibidad na ito na ipanawagan ang mas maayos na kondisyon sa trabaho, sapat na proteksyon para sa mga manggagawa, at ang tuluyang pagwawakas sa endo system sa bansa.