Lumakas na bilang Tropical Storm ang dating Tropical Depression “Bising”, ngunit nasa labas pa rin ng PAR ayon sa ulat ng PAGASA.
Ayon sa weather state bureau na huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Bising (international name: Danas) sa layong 480 km kanluran ng Basco, Batanes (20.0°N, 117.4°E) dakong alas-3:00 ng madaling-araw ngayong araw.
Taglay nito ang hanging may lakas na 75 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kph.
Kumikilos ito sa kanlurang direksyon nang mabagal.
Bagama’t nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR), patuloy itong binabantayan ng PAGASA sakaling magbago ang galaw nito.
Sa kasalukuyan, wala pang direktang epekto si Bising sa alinmang bahagi ng bansa, ngunit pinaaalalahanan ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga susunod na advisory.
Posibleng muling pumasok sa western boundary ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng madaling-araw, Hulyo 7, at muling lalabas sa northern boundary ng PAR sa hapon ng parehong araw.
Itinaas ang kategorya ni Bising bilang tropical storm bandang alas-8:00 ng gabi kahapon, at ayon sa PAGASA, posible pa itong lumakas bilang Severe Tropical Storm bukas, Hulyo 6.
Maaari namang makakaranas ng pag-ulan ang iba’t-ibang bahagi ng bansa.